Posted by: i-banker | February 16, 2020

Ang Aking Saloobin sa usapin ng ABS-CBN Franchise Renewal

quo warranto

Sa dami ng pinagkakaabalahan ko lalo na sa trabaho, hirap akong maglaan ng oras para bumalik sa blogging at sumulat ng sing-dalas ng dati patungkol sa ilang mga saloobin sa mga nagaganap sa paligid. Nung mga panahong nag-aaral pa ako sa College, at sa mga unang taon ng pagtatrabaho ko, at nung mga panahong papasikat palang ang social media and mobile apps, medyo hobby ko ang mag-blog. At may iilan akong naging malapit na kaibigan na nakilala ko dahil sa blogging at pagpapalit ng mga opinyon sa Pinoyexchange. Namiss ko ang mga panahong ganito pa ang Internet.

Siguro ngayong tumanda na ako, parang hirap na talaga ako maglaan ng oras para sumulat. Saka siguro convenient na rin kasi sumulat ng mga one or few-liner Facebook status, or magpost nalang ng Instagram or Messenger stories.

Pero nitong mga nakaraang araw, naging usap-usapan kasi itong Franchise Renewal ng ABS-CBN. Bukod kasi sa nakapila ito for renewal sa Kongreso, ay inireklamo ito ng Office of the Solicitor General  sa Korte Suprema sa pamamagitan “Quo Warranto”. Feeling ko nakakarelate ako sa usapin on a personal level, at saka gusto ko yung complexity ng issue. Yung issue kasi, napagsama-sama ang mga usapin sa batas, Media/Journalism/Free Press, negosyo (business/commerce/capital markets), Engineering (Broadcast/Telecommunications/mga patakaran o patakbo sa National Telecommunications Commission), at syempre, pulitika. So naisip ko, na baka magandang chance itong topic na ito na sumulat uli ng blog entry.

Pero bago ako magpatuloy, ilalatag ko na mga disclaimers ko:

  • Isusulat ko ang blog entry ko in “Taglish”, may halong mga pagpapaliwanag sa wikang Tagalog at wikang Ingles (English).  Dahil siguro mas gusto ko na mas marami maka-“gets” ng issues at mas makaunawa ng parehong “facts/totoo o mga naiulat sa balita”, at ng opinion ko sa ilang aspeto ng issue na ito.
  • Uunahin ko na rin po, I support #NoToABSCBNShutdown and #IStandWithABSCBN movement. Susubukan kong ilatag sa blog entry na ito kung bakit naniniwala akong deserve ng ABS-CBN na ma-renew ang franchise nila. Hindi po ako employed sa ABS-CBN, at kung tutuusin wala na ako oras manood ng Free TV at hindi rin ako nakakanood ng IWant, pero nasusundan ko ang mga balita kahit paano. Wala rin po akong kamag-anak o napakalapit na kaibigan na nagtatrabaho sa ABS-CBN, at hindi rin po ako super fan ng mga artista o ng mga news personalities nila.
  • Naniniwala rin naman ako na hindi lahat ng mga naiulat ng ABS-CBN ay patas. Naniniwala rin ako na sa kalaunan, kailangan ng reporma para mas wasto at mas ramdam natin ang Press Freedom. Sabi nga ni House Speaker Alan Cayetano, baka napapanahon din na pagusapan ang mga hindi pagkakaunawaan sa pag-handle ng ABS-CBN ng election coverages.
  • Hindi po ako expert sa batas, hindi po ako abogado, pero sinubukan ko naman magresearch para mas may basehan ang mga punto ko. Suportado ko naman ang prinsipyo ng “leave it to the Court” and “let the Law take it course”, pero naniniwala rin ako na “innocent until proven guilty”. Pwede natin pagusapan kung bakit sa tingin mo guilty, pwede rin natin pagusapan kung bakit sa tingin ko innocent.
  • Pero higit sa lahat, siguro mahal ko lang ang Bayan natin. Hindi ko naman sinasabing sobrang patriotic ko, at hindi ko naman din sinasabing pag pro-shutdown ka eh hindi mo na mahal ang Bayan natin. Pero pwede ko sabihin na simula nung naging 18 years old ako, wala pa akong namiss na kahit isang Election. Kahit nga barangay elections bumoboto ako. At bagamat hindi na ako pumipila sa Revenue District Offices, nagbabayad parin ako ng Income Tax o buwis sa sweldo. Kay kahit paano, sa palagay ko ay maaari ako magsabi ng saloobin ko.
  • Ngayon kung Pro-Shutdown ka, pero may katwiran ka o kaalaman na hindi ko mababanggit dito, pede mo ako i-message or kausapin, baka mas makapagpalitan tayo ng kaalaman, at mas makakabuo ng informed opinion o stand tungkol sa topic. Isa ito sa mga magandang pagkakataon maging mag-aaral ng kasaysayan, anuman ang edad o estado natin sa buhay.
  • Pero please lang po, wala sanang below the belt comments.

So ito na, simulan ko na muna ang entry na ito sa paglatag ng iilang “facts”, o ng iilang bagay na nabalita. Tapos sa bandang hulihan, susubukan kong ibigay ang opinion ko.

 

ANG SITWASYON NG ABS-CBN AT NG FRANCHISE NITO

Nitong mga nakaraang araw, laman ng headlines ang ABS-CBN Corporation, ang pinakamalaking TV network or media company sa Pilipinas. Ito ay dahil:

  • Malapit nang mag-expire o mapaso ang “existing/current” 25-year franchise nito sa March 30, 2020, at may nakapila itong application for renewal sa Kongreso para magpatuloy pa ng panibagong 25 years
  • Mangilan-ngilang beses naring sinabi ni Pangulong Duterte na hindi nya susuportahan ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, at minsan pa itong humirit na ibenta na lamang nito ang kumpanya.
  • Nitong February 10, 2020, nagfile ng Quo Warranto petition ang Office of the Solicitor General laban sa ABS-CBN para bawiin ang “existing-and-about-to-expire” franchise nito, at may binanggit itong tatlo o apat na mabigat na dahilan kung hindi karapat dapat ang ABS-CBN na manatili sa prangkisa nito.

Ano daw? Ano bang paki natin sa ABS-CBN franchise? Ganito kasi iyon:

Bago makapagpatakbo ng isang TV station o radio station (AM man or FM) ang isang kumpanya, kailangan nitong magkaroon ng franchise o prangkisa mula sa ating National Government. Ang franchise, naisasagawa at naibibigay sa pamamagitan ng pagsasabatas nito. Gaya ng kung paano gumawa ng batas, may isang Kongresista o Senador dapat na gagawa ng bill, ipipila sa isang committee sa Kongreso (sa kaso ng ABS-CBN, ito ay sa committee on Legislative Franchises), pagkatapos ay didinggin at paguusapan sa Plenaryo ng House of Representatives (o Kamara). Pag nakalusot sa Kamara, didinggin din ito sa Senado. Pag katanggap-tanggap na ang nabuong bill na nabalangkas ng Kamara at Senado, saka ito ipapapirma sa Pangulo ng Bansa. Kung sumangayon ang Pangulo, magiging batas na. Subalit pwede ring hindi sumangayon ang Pangulo at i-“Veto” ang isang panukalang batas (gaya ng nangyari sa pag-Veto ni Pangulong Duterte sa Anti-ENDO Bill). Kung mag-veto ang pangulo, at desidido ang Kamara at Senado maging batas ang isang bill, kailangan pabotohan ito at dapat ay makakuha ng 2/3 vote para maging batas ang isang panukala, kahit pa may Veto. Maganda ang paliwanag ng procedure na ito sa ulat ng Aksyon News5.

Sa prangkisa ng ABS-CBN at sa application nito for renewal, ganyan ang kailangan pagdaanang normal na proseso. Pinagdaanan ito kamakailan ng TV5, GMA-7, at maging ng CBCP.

Ano ang mga sakop ng pinaguusapang ABS-CBN Franchise o Republic Act 7966? Ito ay ang:

  • ABS-CBN Free TV Channel 2 – yes yung nakikita mo sa TV mo, naka antenna ka man, TV Plus/Black Box, o Cable
  • DZMM Radyo Patrol 630
  • MOR 101.9 FM Radio Station

Bakit parang ngayon lang ito issue? Hindi ba cramming ang paghandle ng ABS-CBN at ng Kongreso? Bat parang ngayon lang nagapply?

Hindi po, dati pa pong nagtangka ang ABS-CBN na mag-apply ng franchise sa Kongreso. Noon pang September 11, 2014 (o 16th Congress) unang nagtangka ang ABS-CBN na mag-apply ng franchise sa pamamagitan ng bill na inakda ni  Isabela Representative Giorgidi Aggabao.

2016 ELECTIONS BIASES (?)

Fast forward sa 2016, naganap ang Philippine Presidential elections. Ito yung taon kung saan nanalo at nahalal si Pangulong Rodrigo Duterte. Noong panahon ng kampanya ng taong 2016, may pinalabas na sensitibo at di-umano’y strongly political na advertisement ang ABS-CBN na bayad o pinangunahan ni Antonio Trillanes, at di-umano’y isa itong anti-Duterte na ad. Matatandaang nakakuha rin ng gag-order ang kampo nina President Duterte para ipatigil ang pagpapalabas ng anti-Duterte ads na ito.

Inakusahan din ang ABS-CBN na hindi nito inere ang isang bayad na TV ad naman ni dating kandidato at ngayon ay Pangulo ng Bansa na si Rodrigo Duterte. Maging si House Speaker Alan Peter Cayetano, may napakalakas na sentimyento laban sa ABS-CBN dahil siya raw mismo ay may political advertisement na hinarang ng ethics committee ng ABS-CBN.

Sa akukasyon ng hindi pagere ng ABS-CBN ng advertisement ni Pangulong Duterte at ang di umano ay hindi pagsoli ng bayad na mahigit kumulang na P2Million pesos, itinanggi na ito ng ABS-CBN. Pero walang sapat o malakas na pagtanggi akong nababasa o naresearch sa ibang election ad issues ng 2016 na galing sa ABS-CBN. Kaya kung magkakaroon ng hearing ang Committee on Legislative Franchises, isa ito sa mga aaabangan kong paliwanag ng ABS-CBN. Sana ipaliwanag ng ABS-CBN paano ba ang selection and filtering process ng Ethics Committee nila, at kung paano sila nagdedecide kung ano ang pwede o hindi i-ere na political advertisement.

Tampo ni Pangulong Duterte

Dahil hindi umusad ang bill/franchise application ng ABS-CBN noong 16th Congress (2014-2016) at maging noong 17th Congress (2017-2019), ngayong 18th Congress (2020-2022) mas kinailangan nang pagtuunan ng pansin ang ABS-CBN Franchise issue. Yun nga lang, bago natapos ang taong 2019, muling bumanat si Pangulong Duterte na hindi nya susuportahan ang pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN at sa halip, nagmungkahi pa si Pangulong Duterte na ibenta na lamang ang network.

Panukala ng Renewal ng ABS-CBN Franchise sa Current (18th Congress)

Dahil nga malapit na ang March 30, 2020, kailangan na nga mas asikasuhin na ang renewal ng ABS-CBN franchise. Sa ngayon, may labing-isang (11) bills o panukala na sumusuporta ng ABS-CBN franchise. Subalit wala pang naka-kalendaryo para dinggin ng “Committee on Legislative Franchises” ang mga panukala. Sabi ng ilang political experts, kung tutuusin dapat may consolidation daw ng bills.

Pagpasok ng Quo Warranto ng Solicitor General Laban sa ABS-CBN

Noong umaga ng February 10, 2020, nabulaga ang ating bansa nang nagsampa ng “Quo Warranto” petition ang Office of the Solicitor General laban sa ABS-CBN.

Ang Quo Warranto ay isang “legal procedure” na tanging ang Solicitor General lamang ang maaaring magfile. Maaari raw magsampa ng Quo Warranto petition ang Solicitor General kung may kaso o pagkakataon ng “usurpation of a public office, position or franchise” o may hindi karapat-dapat sa isang public office position sa simula pa lamang, o may isang kumpanya na hindi dapat nabigyan ng franchise sa simula pa lamang. Ayon ito sa Rule 66 ng Rules of Court. Ginamit na ito ng Solicitor General nung patalsikin nito si Chief Justice Sereno.

Nagsampa ng Quo Warranto ang SolGen para tapusin na raw ng ABS-CBN ang kanilang “highly abusive practices”. May binanggit na tatlo o apat na dahilan ang “Very Urgent Motion” petition para ipawalang bisa ang “existing and about to expire” na Franchise ng ABS-CBN. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Na nilunsad daw ng ABS-CBN ang sa TV Plus nito ang KBO Channel ng walang permiso ng National Telecommunications Commission (NTC). “As of February 2019, despite the absence of any permit from NTC and guidelines on conditional access, the KBO Channel inveigled 1.2 million unique TV Plus consumers to register in the service,” the petition declared.” Ang sinasabi pa ng Solicitor General, hindi dapat naniningil ang ABS-CBN sa mga palabas nito sa KBO (kaya bawal di-umano mag “pay-per-view”) ang KBO dahil ang aprubadong prangkisa ay dapat libre para sa taumbayan na gumagamit ng Telebisyon.
  • Na labag sa Saligang Batas o Constitution ang pagkalap ng pera o pagbenta ng ABS-CBN ng “Philippine Deposit Receipts (PDRs)” sa mga foreigners o banyaga sa pamamagitan ng ABS-CBN Holdings Corp..
  • At ang labag din daw sa batas ang paggamit ABS-CBN Convergence Inc. sa existing franchise ng Multi-Media Telephony’s dahil wala rin daw itong approval ng Congress. Kung tama ang aking pang-unawa, sinasabi ng Solicitor General na hindi naaayon sa batas ang pagiging parent company owner ng ABS-CBN Corporation sa ABS-CBN Convergence, Inc. dahil ang parent company na ABS-CBN Corporation ay may approved na “Broadcasting franchise” lamang at hindi “telecommunications franchise”. Ngunit dahil nag “Corporate Layering” ang ABS-CBN, para narin itong humawak ng “indirect” franchise sa isang Telco, bukod sa isang TV/Radio Broadcast franchise.

Binigyan ng pagkakataon ng Korte Suprema ang ABS-CBN na sumagot sa loob ng sampung (10) araw mula ng nai-file ang Quo Warranto.

Nagkaroon ng ingay at magkakaibang opinyon ang iba’t ibang sector sa Quo Warranto. Maging sa Kongreso mismo, nagkaroon ng diskusyon. Naniniwala ang ilang Mambabatas na hindi dapat ito ginawa ng Solicitor General dahil Kongreso lamang daw ang may Karapatan na mag-apruba o hindi mag-apruba o dumulog sa mga issues na may kinalaman sa “Legislative Franchises”. Noong mismong February 10, 2020, nanawagan si Buhay Party List Representative Lito Atienza na umaksyon na ang House at ang Legislative Franchise Committee sa prangkisa ng ABS-CBN.

Noong February 14, 2020, sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi urgent ang ABS-CBN Franchise renewal hearings at maaari pang ipagpatuloy ng ABS-CBN ang TV and radio operations nito hanggang March 2022 o hanggang matapos ang “18th Congress” maliban na lamang kung denied ang Franchise. Maging si Tito Sotto ay ganito rin ang sinasabi. Ang target ni Cayetano? Dinggin ang franchise sa May 2020, o di kaya ay kung matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte para raw malamig na ang ulo ng lahat ng partido sa usaping ito.

Ang aking opinyon at pagkakaunawa sa Franchise issue:

Sinubukan kong ilatag ang ilan sa mga pangyayari at “key information”. From here on, susubukan ko namang sabihin ang palagay ko base sa mga nalalaman at naresearch ko, lalo na sa mga issue na nabanggit sa Quo Warranto. Para madali, ginawa ko na lamang ito sa isang table format:

quo warranto table

Table sources:

Pero ultimately, para sa akin, lahat ng legalidad at tanong sa constitutionality ng ABS-CBN and ABS-CBN Convergence, ay hindi ginawa ng ABS-CBN ng nanagasa lamang sa rules. Lahat ng ito, dumaan naman dapat sa governing bodies gaya ng SEC, PSE and NTC. These are regulated businesses, so sana ang mga regulating bodies na ito ang unang sumagot.

Sa Usapin ng KBO, TVPlus, at Digitization

Ang “Kapamilya Box Office” o KBO ay isa sa mga channels sa Pilipinas na pagmamay-ari ng ABS-CBN na napapanood lamang kung bibili ka ng ABS-CBN TV Plus. Ang sinasabi ng Quo Warranto petition, illegal ang KBO dahil hindi aprubado at saklaw ng prangkisa ng ABS-CBN ang pag-ere nito.

Usaping “Electronics and Communications Engineering” kasi ito, pero sa pag-unawa ko, nagsimula lang ito mula nung lumipat o inakap na ng Philippine Television ang “Digital TV”. Mula noong 2015, naging digital na ang broadcasting sa Pilipinas.

Mula nang naging “digital” na ang pag-ere ng TV broadcasting, posible na magkaroon ng mahigit isang “Channel” sa isang frequency. Kaya ang frequency na nakalaan sa ABS-CBN Channel 2, posible nang mai-“maximize” at maraming channel na ang pwede mag-share dito. (Source: BBC – What is a Freeview Multiplex?)

Ang digital TV, mahigit isang dekada nang available sa mundo, ngunit pumasok lang sa Pilipinas noong 2015. ABS-CBN ang unang nag-adopt ng teknolohiya na ito, at nakakita at nakaunawa paano palawigin ang isang digital frequency. Para sa akin, masyadong matagal ang Gobyerno at NTC para i-finalize ang guidelines, at nauna ang ABS-CBN na nakaunawa sa teknolohiya na ito. At ito rin ngayon ang ginagamit ng gobyerno kasi nga, “one franchise applicant = one frequency = one channel only”. Kaya ko sinasabing may posibleng paglabag talaga sa usapin ng KBO. Pero, naniniwala ako na dahil nga unang nag-adopt ang ABS-CBN ng digital TV, at may opinyon ang DOJ na ayos lamang ang pay-per-view business, kaya nagpatuloy ang ABS-CBN. At umaasa ako na sa kanilang 10-day reply sa Supreme Court, mas may maipapakita silang panukala o gabay mula sa NTC na sinunod nila.

Sa iba pang issues na kumakalat sa social media, pero hindi saklaw ng Quo Warranto:

May iba pang issues na naglipana rin sa usapin ng franchise renewal, gaya ng:

  • Hindi bayad na Taxes
  • Hindi bayad na Utang
  • Labor issues na nilabas ni Robin Padilla sa kanyang madamdaming saloobin

Bagamat hindi ito sakop ng Quo Warranto, dahil nabanggit na rin lamang sa social media, eh subukan ko na ring unawain at ilabas ang intindi ko sa issues:

May mga hindi nga bang bayad na taxes ang ABS-CBN?

Wala namang sinampa na tax evasion or tax avoidance case ang government laban sa ABS-CBN. So sa palagay ko ay walang hindi bayad na tax. Pero pumasok sa compromise agreements ang ABS-CBN na approved ng Court of Tax Appeals. May mas malaking tax assessment, pero mas maliit na ang taxes na binayaran kasi nga approved ang compromise agreements.

May hindi nga bayad na utang ang Lopezes sa Development Bank of the Philippines?

Mayroong restructured loans ang Lopezes na tunay ngang halos umabot ng P1.6 Billion sa Development Bank of the Philippines. Noong panahon kasi ng Asian Crisis, noong bumaba ng husto ang halaga ng piso laban sa dolyar, nagkalugi talaga ang negosyo ng mga Lopezes. Nag write-off ang DBP ng mahigit kumulang na P9.56 Billion na halaga ng bad loans, at P1.6 Billion nga nito ay galing sa mga Lopezes.

Pero paglilinaw din ng Lopez Holdings, consortium of banks daw ito at hindi lamang DBP.

Anong ibig sabihin ng write-off?

Ibig sabihin, nilipat na ng DBP ang mga utang na ito sa isang Special Purpose Vehicle, at inalis na sa libro ng bangko. Naging posible ito kasi noong 2002, nagkaroon ng batas na tinatawag na “Special Purpose Asset Vehicle Law of 2002” na kung saan na pinayagan ang mga bangko sa Pilipinas na mag “dispose” ng bad loans na nagkakahalaga ng P520 Billion. Nagka-incentives kasi ang mga banks kapag ginamit ang Special Purpose Vehicle, at hindi lamang ang mga Lopezes ang may mga na-write off na utang.

Kung titingnan naman ang Annual Report ng Lopez Holdings for 2018 na naka-file sa PSE, wala naman nagsasabi na tungkol sa written off debt na ito. At saka dapat, naiulat na ito sa mga credit bureau. Pag ang isang company kasi, or tao, ay may hindi bayad na utang, hindi na ito bibigyan ng bank lines ng iba pang bangko.

Kung meron mang naganap na write-off sa parte ng DBP, it was a commercial banking decision na ginawa na ng DBP at ng ibang bangko na kasali sa consortium.

Sa usaping Labor Malpractices ang ABS-CBN:

Agree naman ako sa mga sinasabi ni Robin Padilla na “no one is above the law”. May mga ilang labor practices na sana mas maitama, gaya ng contractual status ng ibang empleyado. Siguro parte ng nature ng production work.

Pero hindi rin naman tama na i-call out ang mga artista na gusting manatiling operating ang ABS-CBN.

Dapat siguro sumulat si Robin Padilla sa Committee on Legislative Franchises para maitama at mag-suggest ng improvement in Labor at sa conduct during production ng TV shows and radio shows. Marami naman talagang naging pagkakataon ang ABS-CBN na nagdismiss ito ng employees, pero siguro itama nalang din nga sa proper forum gaya ng DOLE at sa Franchise renewal hearings. Pero naniniwala rin ako na hindi parin sapat na batayan ito para itanggi ang Franchise sa ABS-CBN, lalo’t hindi biro na 11,000 employees ang madadamay.

Sa Usaping March 30, 2020 ABS-CBN Franchise Expiration Date

Ito yung naniniwala akong medyo madugo at alanganin sa parte ng ABS-CBN. Sabi nina Representative Albano House Speaker Cayetano, at Senate President Tito Sotto, pwede pa magpatuloy ang ABS-CBN hanggang hindi natatapos ang 18th Congress dahil deemed “extended” ang prangkisa gamit ang “principle of pending applications”. Nagbigay pa ng halimbawa si Representative Alfredo Garbin ng Franchise Renewal na nagexpire pero nagoperate parin na mga prangkisa, gaya ng nangyari sa PT&T, GMA7 at CBCP TV and Radio operations.

franchises

Pero itong mga ito ay hindi nagkaroon ng problema sa Pangulo ng Pilipinas.

So ano ba ang saloobin ko?

  • Naniniwala ako na eye-opener ang naging Quo Warranto ng Solicitor General. At bagamat hindi katanggap tanggap, dahil sa technicality ng definition ng isang Quo Warranto, dahil Quo Warranto ang sinubmit sa Supreme Court, may jurisdiction ang Supreme Court para dinggin ang Quo Warranto at mag-rule tungkol sa usapin. Kumbaga, naging “legal issue” na ito. Pero may parte ako na sana, magmungkahi ang Supreme Court na dapat gamitin ng Solicitor General ang lahat ng available administrative remedies.
  • Naniniwala ako “personally” na medyo politically-motivated ito, pero naniniwala rin ako na kailangan talaga patunayan ng ABS-CBN na ayon sa batas ang mga naisulat sa Quo Warranto, lalo na sa issue ng ABS-CBN Convergence franchise at yung issue ng KBO na bawal ang pay-per-view. Kailangan ng ABS-CBN na magkaroon ng malinaw na paliwanag na suportado ng NTC. Posibleng personal ang motivation ang paghahabol ng SolGen bilang pagsuporta kay President Duterte, pero posibleng may ibang aspeto ng charges sa Quo Warranto na baka nga dapat managot ang ABS-CBN and ABS-CBN Convergence bilang franchise holder, pero ultimately dapat sa regulating bodies. Only the Supreme Court (in due time) can tell.
  • Naniniwala rin ako na kung may oversight man sa aspeto ng KBO at ng ABS-CBN Convergence, meron ding regulatory oversight. Kasi nga, ang TV and Radio operations, at ang telecommunications operations, ay mga regulated industries. Hindi ka pede magsagawa nalang ng kahit anong commercial or engineering decisions nang walang regulatory approvals. Pero sa punto ng kritiko, hindi nga rin malinaw kung may Congress approval ang parehong KBO and ABS-CBN Convergence.  Parehong may dapat itama sa compliance ng ABS-CBN, at sa pagpapatakbo at oversight ng regulators (SEC, PSE, NTC).
  • As a supporter, umaasa ako na sana may malinaw na sagot ang ABS-CBN sa kanilang reply sa Supreme Court. Pero, kung naniniwala ang mga pro-shutdown na “let the law take its course”, dapat sumang-ayon din tayo na “ABS-CBN should be given its day in the Court”.
  • Naniniwala akong hindi ito foreign ownership ang PDRs. Maliban nalang talaga kung ang sasabihin ng Korte Suprema ay foreign ownership ang PDRs. Ang intention lang talaga ng PDRs ay para maglikom ng pera para sa growth ng kumpanya, at sadyang limitado ang Capital dito sa Pilipinas.
  • Gusto kong lamangan ang paniniwala na patas ang Kongreso at ang Committee on Legislative Franchises. Sang-ayon ako na emotional at sobrang passionate ng lahat ng partido sa usaping ito, kaya mas maganda kung isasagawa ang hearing sa araw na malig na ang ulo ng lahat ng partido. PERO WALA NANG GANYANG LUXURY OF TIME ANG ABS-CBN at ang KONGRESO, kasi March 30, 2020 ang expiration date ng existing Franchise. Diligent naman ang ABS-CBN from the 16th up to the current 18th Congress na mag apply ng renewal, so hindi naman kasalanan ng network na hindi inusad ng 16th, 17th, at 18th Congress ang proposed renewal bills. Hindi rin talaga malinaw kung may batas na nagmumungkahi ng “franchise interim renewal”, kaya gusto sana pagusapan at maghearing na bago mag expiration. May nakahain na Joint Resolution si Senate Minority Leader Franklin Drilon, at may sinasabi ngang ilang kumpanya na nagpatuloy kahit expired ang franchises, pero hindi ko talaga sigurado ano magiging legality o ngipin ng isang joint Senate and House Resolution, if that is strong enough to suggest “interim renewal”.
  • Naniniwala din ako na magandang pagkakataon ito upang magkaroon ng reporma pagdating sa paghandle ng Broadcast Networks ng Election Coverages, Election Ads during Election Years, at paghandle ng balita patungkol sa pulitiko. Kasi sa totoo lang, dito naman nagumpisa lahat ng ito. Pero kung meron mang dapat sagutin at halimbawang may paglabag nga, dapat din ay patakaran at penalties ng Fair Elections Act ang magiging basehan ng kung anumang parusa, at huwag gamitin ang Franchise bilang hostage. Ang magiging batas tungkol sa Franchise, dapat manatiling limitado tungkol sa Franchise.
  • At higit sa lahat, suportado ko rin na dapat pag-usapan ang fairness and biases. PERO hindi ako sang-ayon na magkaroon pa dapat ng guidelines (at lalong hindi dapat gawing rules or provision sa Franchise) pagdating sa “editorial” matters ng mga balita. May mga Batas naman patungkol sa Libel kung sakaling may “fake news” na binabalita ang isang News Organization. 

Ultimately, sa Bill of Rights ng Saligang Batas (Constitution), nakasaad na:

Section 4. No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.

Sa kapwa ko na hindi sinusuportahan ang shutdown, may maidadagdag ka ba sa mga nabasa ko?

Sa pro-shutdown naman, may iba ka ba pang point? Baka may namiss din ako, sabihin mo lang. Pagusapan natin.

Pero sa kabuuan, siguro bantayan natin ang ating bayan, at bagamat may mga sarili tayong mga buhay sa bahay, trabaho at iba pa, eh pilitin nating matuto at mag-aral at makibahagi sa kasaysayan ng ating Bayan.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: